May sindikato sa likod ng ‘tanim-bala” ani Duterte

 

Inquirer file photo

Nagbabala si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na palulunukin niya ng bala ang mga nasa likod ng ‘laglag o tanim’ bala, kapag siya ay naging presidente ng bansa.

Sa kanyang regular TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa”, sinabi ni Duterte na wala siyang ambisyon na maging pangulo.

Pero, kung mahalal siyang presidente, tinitiyak niyang kakain ng bala ang mga taong sangkot sa laglag o tanim bala, at iuutos daw niya ang execution sa loob ng 24-oras.

Naniniwala naman si Duterte na mayroong sindikato sa likod ng laglag o tanim bala, na nangyayari sa maraming paliparan sa bansa, partikular sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Malaki pa ang hinala ni Duterte dahil tuloy-tuloy na may naitatalang kaso ng laglag o tanim bala, at ang mga biktima ay pawang hindi nagmamay-ari ng mga baril.

Nakakapagtaka rin aniya na ang nahuhulihan ng .22 o 9 mm bullets ay mga inosenteng tao na gusto lamang bumiyahe para magbakasyon o dumalo sa commitments.

Umaasa naman si Duterte na mareresolba ng Philippine National Police at concerned agencies ang usapin, at mahuli ang mga may pakana ng maituturing na modus.

Read more...