Naglabas ang Davao City Prosecutor’s Office ng subpoena para sagutin ni Sen. Antonio Trillanes IV ang libel case na isinampa ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Manases Carpio.
Pinagsusumite ni Prosecutor III Faizal Padate si Trillanes ng counter affidavit sa kaso laban sa kanya sa loob ng sampung araw.
Kapag hindi nakapagbigay ang senador ng kontra salaysay ay reresolbahin na ang kasong libel base sa ebidensyang isinumite ng complainant.
Nag-ugat ang reklamong libel nina Duterte at Carpio matapos silang akusahan ng senador na nangingikil umano ng pera sa mga ride-hailing services gaya ng Uber.
Nakasaaad sa reklamo na naganap ang paninira nang sabihin ni Trillanes sa isang panayam sa radyo na humihingi sila Duterte at Carpio ng pera mula sa Uber at ibang kumpanya na nireregulate ng LTFRB at DPWH.
Iginiit ng presidential son at ng mister ni Davao City Mayor Sara Duterte na malisyoso at mapanira ang alegasyon ni Trillanes.