Sinalakay ng sampung mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ang patrol base ng Philippine Army sa bayan ng Bongabon sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Northern Luzon Command (Nolcom) Spokesman Maj. Erickson Bulosan na nangyari ang pagsalakay pasado-alas onse ng umaga kanina.
Ang sinalakay ay patrol base ng 70th Infantry Battalion na matatagpuan sa Barangay Labi.
Kaagad namang nakaganti ng putok ang mga tauhan ng militar at walang tinamaan sa kanilang hanay.
Makaraan ang ilang minutong palitan ng putok ay kaagad ring tumakas ang mga kasapi ng CPP-NPA.
Isinagawa ang pag-atake habang abala ang mga tauhan ng militar sa relief mission para sa mga biktima ng Bagyong Ompong.
Bukod sa mga armas, sinabi ng Nolcom na maaaring interesado rin ang mga teroristang NPA members sa mga relief goods sa sinalakay na military base.
Nagsasagawa ngayon ng manhunt operation ang pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya para tugisin ang armadong grupo.