Tiniyak ni Bureau of Corrections Director Ronald “Bato” Dela Rosa na walang matatanggap na special treatment sa loob ng Bilibid si dating Army General Jovito Palparan.
Ito ay makaraan siyang mahatulan na makulong ng habambuhay dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa mga dating estudyante ng University of the Philippines (UP).
Hanggang ngayon ay hindi pa nakikita sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño na umano’y dinukot ng mga tauhan ni Palparan sa sa Hagonoy, Bulacan noong June 26, 2006.
Sinabi ni Dela Rosa na walang “VIP” treatment sa dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines dahil matagal nang wala ang mga kubol sa loob ng compound ng New Bilibid Prisons.
Bago mailipat sa maximum security compound ay mananatili muna ng ilang araw sa Reception and Diagnostic Center sa NBP si Palparan.
Dito isasailalim sa quarantine at serye ng medical exam ang dating heneral bago siya ilipat sa kulungan kasama ang ilang mga nakakulong na kriminal.
Si Palparan ay nakilala bilang isang anti-communist advocate at tinaguriang bergudo ng mga kasapi ng New People’s Army.
Humawak siya ng ilang sensitibong posisyon sa AFP at sinasabing isa sa mga paboritong opisyal ng militar ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.