Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Philippine National Police General Diosdado Valeroso bilang pinuno ng Emergency 911 National Office na siyang nangangasiwa sa nasabing emergency hotline ng pamahalaan.
Bago ang kanyang appointment ay pinamumunuan na rin ng nasabing opisyal ang Emergency 911 na sa Davao City.
Kasabay nito ay pinirmahan na rin ng pangulo ang appointment ni Catherine Maceda bilang bagong Energy Regulatory Commission commissioner na nagsimula noong September 11 at matatapos naman ang termino sa July, 2025.
Pinalitan ni Maceda si Alfredo Non na nagretiro noong nakaraang July 10.
Samantala, nilagdaan na rin ng pangulo ang appointment ni Marie Venus Tan bilang director ng Tourism Placement Board (TPB).
Pinalitan ni Tan si dating TPB executive director Cesar Montano na napilitang bumaba sa pwesto dahil sa kontrobersiyal na “Buhay Carinderia” project.
Hanggang sa June 30, 2019 ang termino ni Tan sa TPB.
Ngayong araw ay nilagdaan rin ng pangulo ang appointment ng ilan pang mga opisyal ng Department of National Defense, Departement of Agrarian Reform at Department of Environment and Natural Resources (DENR).