Aabot na sa 300,000 na katao ang dumagsa sa Manila North Cemetery, sa Lungsod ng Maynila ngayong All Saint’s Day.
Ayon kay Senior Inspector Melchor Villa, PIO ng Police Station 3 ng Manila Police District o MPD, ang naturang bilang ay naitala bandang alas otso ng umaga at inaasahang tataas pa ito.
Sa ngayon aniya ay wala pang naitatalang untoward incident, pero may kaso na ng pagkawala ng isang trese anyos na bata.
Sinabi ni Villa na batay sa lola ng bata na si Maria Leonado, bigla raw nawalay sa kanya ang apo niya sa entrance ng Manila North Cemetery.
Samantala, sinabi ni Villa na may kaso na rin ng hypertension, pagkahilo at dehydration.
Tiniyak naman ni Villa na sapat ang mga pulis na nakakalat sa loob at labas ng Manila North Cemetery, at may mga naka-antabay na rin na medical teams at volunteers.