Pumalo na ng 59 ang bilang ng mga nasawi sa pagbayo ng bagyong Ompong, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ngunit ayon sa mga otoridad, malaki ang posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa guho ng landslide sa Benguet.
Posible umanong lumobo ito hanggang sa 100 katao.
Batay sa huling datos kaninang alas-6 ng gabi, mula sa kabuuang bilang na 59, isa dito ay mula sa Ilocos Region, pito sa Cagayan Region, isa sa Central Luzon, 49 sa Cordillera Administrative Region (CAR), at isa sa National Capital Region (NCR).
33 katao naman ang naitalang sugatan at 16 ang nawawala hanggang sa ngayon.
Mula sa naturang datos ng bilang ng mga sugatan, tatlo dito ay mula sa Ilocos Region, 20 sa CAR, pito sa Cagayan Region, isa sa Central Luzon, at dalawa sa NCR.
Mula naman sa Central Luzon, Western Visayas, CAR, at NCR ang lahat ng mga nawawala.