Bayan sa North Cotabato binulabog ng pagsabog

Walong oras matapos pasabugin ang isang improvised explosive device (IED) sa General Santos City ay binulabog naman ng isa pang IED ang Barangay Poblacion 4, Midsayap, North Cotabato, gabi ng Linggo.

Ayon sa hepe ng Midsayap Municipal Police na si Senior Inspector Jumrell Amotan, pinasabog ang IED sa loob ng isang videoke bar bandang alas-7:15 ng gabi.

Maswerte namang walang nasaktan dahil sa insidente.

Ayon sa caretaker ng videoke bar, tatlong lalaking hindi pa batid ang pagkakakilanlan ang dumating sakay ng isang motorsiklo at umorder ng isang bote ng softdrinks.

Ngunit makalipas ang ilang minuto ay agad na umalis ang mga ito, at sinabing tapos na ang kanilang pakay sa lugar.

Hindi nagtagal ay narinig ang malakas na pagsabog sa lugar, mabuti na lamang at walang ibang customer sa videoke bar.

Sa ngayon ay wala pang umaako ng responsibilidad sa pagsabog sa Midsayap, maging sa General Santos City.

Read more...