Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang napaslang na si Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco III.
Pinaslang si Blanco ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang natutulog sa kanyang opisina noong Setyembre 5.
Isang necrological service ang isinagawa bandang alas-12:30 ng tanghali at may programang inihanda sa munisipyo.
Matapos nito ay dinala ang kanyang mga labi sa Our Lady of Sorrows Parish para sa isang Requiem Mass.
Daan-daang residente at mga empleyado ng munisipyo suot-suot ang itim na ribbon ang naghatid sa pumanaw na alkalde sa Ronda Public Cemetery.
Ipinanawagan naman ng pamilya ng alkalde sa Philippine National Police (PNP) ang mabilisang imbestigasyon at pagkamit ng hustisya para sa kanilang kaanak.
Nauna nang nangako si PNP Chief Oscar Albayalde na ipaprayoridad ang imbestigasyon sa sunud-sunod na pagpatay sa mga local executives.
Gayunman, ayon sa tagapagsalita ng Cebu Provincial Police Office na si Supt. Janette Rafter, hindi pa nakikipag-ugnayan ang pambansang pulisya sa kanila kaugnay ng pagpaslang kay Blanco.