Ang DMCI Homes na pag-aari rin ng mga Consunji ang kontraktor ng kontrobersyal na Torre De Manila.
Sa pahayag na inilabas ng Supreme Court Public Information Office, kinumpirma nito na ang asawa ng Punong Mahistrado na si Ginoong Mario Jose Sereno ay dating naging kunektado sa Dacon Corporation na pag-aari rin ng mga Consunji.
Pero nagbitiw na a nasabing kumpanya si Ginoong Sereno noon pang Hulyo ng taong 1989 o halos dalawampu’t anim na taon na ang nakakalipas.
Kalakip ng pahayag ay ang paghalaw ni Atty. Theodore Te, namumuno ng SC-PIO, sa Rule 8, Section 3 ng Internal Rules ng Korte Suprema kaugnay sa Mandatory Inhibition na nagsasabing obligadong bumitiw sa kaso ang isang mahistrado kung sa loob ng nakalipas na sampung taon ay hinawakan ng dati niyang kinaaanibang law firm ang kaso.
Inilabas ng Korte Suprema ang pahayag para magbigay linaw sa harap ng mga ispekulasyon kaugnay ng kakayahan ni Sereno na maging patas sa kaso ng Torre De Manila.
Magkagayunman, ibang usapin na aniya ang tinatawag na Voluntary Inhibition dahil wala namang nakalatag na panuntunan para dito at kadalasan, ito ay ibinabatay lamang sa prinsipyo ng delicadeza. / Ricky Brozas