Asec Uson at Drew Olivar umani ng panibagong batikos dahil sa pambabastos sa sign language

Muli na namang usap-usapan sa social media sina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar.

Ito ay matapos tila bastusin ni Olivar ang deaf community dahil sa paggaya sa sign language.

Sa unang bahagi ng Facebook Live video ni Uson ay makikita si Olivar habang ginagaya ang sign language na gamit ng deaf and mute community.

Habang ginagawa ito ni Olivar ay maririnig naman si Uson na tumatawa habang kinukuhanan ng video ang blogger.

Bukod sa paggamit sa gawa-gawang sign language ay ginaya pa ni Olivar ang mga tunog na maririnig mula sa mga taong hearing at speech impaired, kung saan nagkomento si Uson na tila mukha itong unggoy sa kanyang ginagawa.

Ikinagalit ito ng mga netizen at sinabing kawalan ng respeto para sa deaf and mute community ang ginawa ng dalawa.

Samantala, na-screenshot naman ni Riz Gonzales na isa ring netizen ang paghingi ng tawad ni Olivar, ngunit sa ngayon ay wala na ang naturang comment ng blogger.

Batay sa screenshot, nagpaliwanag si Olivar na ang kanyang ginawa ay hindi panggagaya sa sign language, bagkus ay kanyang sariling style nito.

Aniya, ginagamit niya ang kanyang sariling style ng sign language kapag kinakausap ang kanyang tito na mayroong hearing impairment.

Read more...