Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, inutusan na ng pangulo ang Department of Transportation and Communication Secretary na si Joseph Emilio Abaya na bigyan ng pansin ang laganap na mga insidente ng “tanim-bala” sa NAIA.
Ang “tanim-bala” ay isang modus na kung saan pinaghihinalaang ilang staff ng NAIA ang naglalagay umano ng bala ng baril sa bagahe ng mga hindi kasuspe-suspetiyang pasahero at kinikikilan ng pera ang mga ito kapalit ng pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ilan na sa napaulat na biktima ng “tanim-bala” ay mga OFW na papauwi na o mga magbabakasyon sa Pilipinas.
Kasunod ng naturang insidente, kumakalat na ngayon sa social media ang ilang litrato ng mga pasahero kung saan makikita na nilagyan ng balot na plastik ng mga ito ang kanilang bag at may nakadikit na sulat ng pag-apela sa mga staff ng NAIA na huwag plantahan ng bala ng baril ang kanilang mga bagahe.
Dahil na rin sa pagkakaaresto sa ilang biktima, naalarma na ang ilang mambabatas kung kaya’t nagpatawag na ng imbestigasyon sa insidente ng extortion na kinasasangkutan umano ng Office for Transportation Security o OTS sa NAIA.
Maging ang mga foreign media ay naalarma na rin sa naturang insidente dahil sa mga naging biktima naman na dayuhan.
Hinimok naman ng isang partylist group na kinatawan ng mga migrant worker ang pagpapatalsik kay Manila International Airport Authority o MIAA General Manager Jose Angel Honrado sa kanyang puwesto dahil hinayaang mangyari ang naturang insidente sa paliparan.