Walang naitalang casualty ang mga otoridad sa buong Region 2 o Cagayan Valley kaugnay sa pananalasa ng Bagyong Ompong.
Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ito ay dahil sa mahigpit na pagsunod ng mga residente sa lugar sa mga pag-iingat na naunang nang ibinahagi ng pamahalaan.
Bagaman sa lalawigan ng Cagayan makikita ang pinakamalaking pinsala ng bagyo ay masaya na rin ang opisyal dahil walang namatay dito sa pagdaan ng bagyo.
Sinabi rin ni Lorenzana na ang bayan ng Baggao ang pinaka-grabeng nasalanta dahil dito unang tumama ang malakas na hangin at ulan na dala ng Bagyong Ompong.
Hindi bababa sa 1,000 kabahayan ang winasak ng bagyo maliban pa sa mga linya ng kuryente at komunikasyon ayon pa sa opisyal.
Nangako naman si Lorenzana na siya ring pinuno ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mabilis na ipadadala ang tulong sa mga sinalantang lugar.
Sa ngayon ay naghihintay pa ang NDRRMC ng mag ulat mula sa mga lalawigan ng Isabela at Batanes na kabilang sa mga unang lugar na dinaanan ng bagyo.
Sa isinagawang briefing sa tanggapan ng NDRRMC ay sinabi ni Presidential Harry Roque na kaagad na pupunta ang si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga binagyong lugar kapag nakakuha sila ng go signal mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines.