Hindi pa matiyak ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung kailan maibabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa pitong lalawigan na dumaranas ngayon ng total power outage.
Ito ay resulta pa rin ng pananalasa ng Bagyong Ompong sa malaking bahagi ng Luzon.
Kabilang sa mga lalawigan na walang suplay ng kuryente ay ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, Kalinga Apayao, Abra, Mountain Province at Nueva Vizcaya.
Sinabi ng NGCP sa kanilang advisory na apektado ng malakas na hangin at buhos ngulan ang kanilang mga transmission line sa malaking bahagi ng Luzon.
Kabilang naman sa mga lalawigan na may bahagyang suplay ng kuryente ay ang mga lalawigan ng Pangasinan, Benguet, Zambales at La Union.
Aminado si NGCP Operations and Maintenance Head Gil Listano na hindi kaagad maibabalik ang suplay ng kuryente dahil sa malakas pa rin ang hangin sa nasabing mga lugar.
Kailangan rin nilang tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan na magsasagawa ng inspeksyon sa mga apektadong linya ng kuryente.
May ilang lugar rin ang lubog sa tubig-baha kaya hindi maisagawa kaagad ang power restoration ayon pa sa opisyal ng NGCP.