NDRRMC nakapagatala na ng 3 casualty sa bagyong Ompong

Inquirer file photo

Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nakapagtala na sila ng tatlong casualties kaugnay sa pananalasa ng bagyong Ompong.

Kabilang dito ang dalawang miyembro ng rescue team ng pamahalaan.

Maliban doon ay wala nang inilabas na detalye ang NDRRMC habang bineberipika pa ang ilang mga impormasyon na dumarating sa kanilang tanggapan sa Camp Aguinaldo.

Nakarating na rin sa ahensya ang ulat na mayroong mga landslides na naitala sa Benguet at Baguio City at pilit nilang inaalam kung may mga nasaktan o namatay sa nasabing insidente.

Sa panayam ng Radyo Inquirer ay kinumpirma ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang nasabing ulat kaugnay sa landslides pero pahirapan umano ang pagpunta sa lugar at pagkuha ng kaukulang mga impormasyon dahil sa mahinang signal ng mga cellphones.

Kinumpirma naman ni Itogon Benguet Mayor Victor Palangdan na isang pamilya na may tatlong miyembro ang natabunan ng guho.

Nakaligtas ang ama ng tahanan sa nasabing pamilya pero namatay naman ang kanilang anak na lalaki at ngayon ay subject ng rescue operation ang ina nito.

May ulat rin na isa pang land slide ang naganap sa bayan rin ng Itogon kung saan ay wala katao ang sinasabing natabunan ng buhay.

Sinabi ni Mayor Palangdad na apat sa mga ito ang nailigtas na samantalang hinahanap ang apat na iba pa.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang NDRRMC sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa inisyal na bilang ng mga apektadong mamamayan.

Sinabi naman ni Communications Sec. Martin Andanar na kapag nakakuha ng go signal ang Malacañang sa Civil Aviation Authority of the Philippines ay kaagad na pupunta ang pangulo sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.

Read more...