Mananatili sa kani-kanilang areas of assignment ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte para matiyak na maibibigay kaagad ang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Ompong.
Ito ay bilang pagtalima sa naunang kautusan ng pangulo na magsisilbing direktang link sa mga mabibiktima ng kalamidad ang kanyang mga tauhan.
Ang pangulo ay nagmomonitor sa mga kaganapan kaugnay sa bagyong Ompong mula sa Davao City.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na magkakaroon rin ng post-operational report ang mga miyembro ng gabinete na nasa mga lalawigan ngayon.
Si Transportation Sec. Arthur Tugade ay kasalukuyang nag-iikot sa Cagayan Valley para magsagawa ng assessment sa pinsala ng bagyo.
Sa briefing kanina sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ni Labor Sec. Sylvestre Bello III na maraming mga pananim na palay at mais ang winasak ng bagyo sa Isabela province.
Si Public Works Sec. Mark Villar naman ay nag-ulat ng sitwasyon sa Cordillera Autonomous Region kung saan kanyang sinabi na cleared na ang lahat ng ruta patungo sa Northern Luzon.
Si Presidential Political Adviser Francis Tolentino na inatasan ng pangulo bilang point-man sa pagbabantay sa bagyong Ompong ay nanatili at nag-iikot sa lalawigan ng Cagayan.
Sinabi ni Roque na regular na magbibigay ng ulat ang nasabing mga kalihim at kanilang titiyakin na maibibigay ang lahat ng mga pangangailangan ng mga nabiktima ng bagyo.