Mahigit sa 430,000 mga Meralco customers ang apektado ng biglaang pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ipinaliwanag ni Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga na maraming linya ng kuryente ang apektado ng malakas na hangin dulot ng bagyong Ompong.
May ilang mga punong kahoy ang sumabit sa mga kawad ng kuryente na siyang naging dahilan ng power outage.
Hindi rin masabi ni Zaldarriaga kung kailan maibabalik ang normal na suplay ng kuryente dahil nananatiling malakas ang ihip ng hangin sa ilang mga lugar.
Pahirapan rin ang repair sa mga sirang linya dahil sa lubog sa tubig baha ang ilan sa mga lugar ng kanilang mga customers.
Umapela rin sa publiko si Zaldarriaga na huwag pakialaman ang mga linya ng kuryente dahil ito ay mapanganib.