Sa panayam ng Radyo INQUIRER sinabi ni PAGASA Hydrologist Elmer Karingal na nakabukas ang Ambuklao at Binga Dams sa Benguet at Magat Dam sa Isabela.
Paliwanag ni Karingal, nakabukas ang limang gates ng Ambuklao Dam na may 2.5 meters na tubig at napupunta ito sa Binga Dam.
Ang Binga Dam naman ay may anim na gates na nakabukas na may 3.5 meters na tubig na napupunta naman sa San Roque Dam.
Serye ito ng pasahan ng tubig ng Dams ngunit hindi pa nagbubukas ng gates ang San Roque Dam dahil mayroon pa itong 5.26 meters para maabot ang normal spilling level na 280 meters.
Ayon kay Karingal pinalikas na ang mga residente sa dalawang baranggay sa downstream ng Ambuklao Dam.
Samantala, bukas naman ang dalawang gates ng Magat Dam sa Isabela na nagpakawala na ng 4.0 meters ng tubig.
Ang tinatapong tubig ng Magat Dam ay napupunta sa Cagayan River.
Ayon sa PAGASA, posibleng maapektuhan ang mga residente malapit sa downstreams hindi lamang dahil sa pinakakawalan na tubig ng dams kundi dahil din sa volume ng tubig na binubuhos ng bagyo.