Bagyong Ompong bahagyang humina habang nasa bisinidad ng Baggao, Cagayan

Mula sa 205km kada oras malapit sa gitna ay bahagyang humina ang bagyong Ompong at taglay nito ang hanging aabot sa 200km bawat oras, at may pagbugso itong aabot sa 330km kada oras

Sa 5AM press briefing ng PAGASA, nakasaad na huling namataan ang bagyo sa Baggao, Cagayan.

Patuloy itong gumagalaw sa direksyong kanluran hilagangkanluran sa bilis na 35km bawat oras.

Kasalukuyan pa ring nakataas ang tropical cyclone warning signal number 4 sa mga probinsya ng Ilocos Norte, Cagayan, northern Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, at Babuyan Group of Islands.

Signal number 3 naman sa Batanes, southern Isabela, Ilocos Sur, La Union, Mountain Province, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, at Northern Aurora.

Tropical cyclone warning signal number 2 naman sa mga lalawigan ng Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, southern Aurora, Zambales, Pampanga, Bulacan, at Northern Quezon kabilang ang Polillo Island.

Para naman sa Metro Manila, mga probinsya ng Bataan, Rizal, Caivte, Batangas, Laguna, nalalabing bahagi ng Quezon, Lubang Island, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at Burias Island.

Dahil sa bagyong Ompong ay pinalakas nito ang southwest monsoon o hanging habagat na magdadala ng maulang panahon sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at nalalabing bahagi ng MIMAROPA at Bicol Region, maging sa Eastern at Central Visayas.

Paalala ng PAGASA, posibleng magdulot ng daluyong o storm surge ang bagyo na aabot sa 6m sa Cagayan at Ilocos Norte, 3m sa Isabela, at 2m sa Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.

Inaabisuhan ang mga mangingisda na mayroong maliliit na sasakyang pandagat na huwag maglayag sa mga dagat kung saan mayroong nakataas sa tropical cyclone warning signal.

Inaasahan na mamayang gabi o bukas ng umaga ay tuluyan nang makakalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ompong.

Ilalabas naman ang susunod na severe weather bulletin ng PAGASA ukol sa bagyong Ompong mamayang alas-8 ng umaga.

Read more...