Sa anim na nasawi, lima dito ay mula sa pamilya Direpusun, habang ang isa namang nasawi ay hindi pa alam kung ano ang pagkakakilanlan.
Kabilang sa mga nasawi sa pamilya ang mag-asawang Kamal at Norjannah Japar, at kanilang tatlong mga anak na sina Abdul Raman, 5 buwang gulang, Salma, 7 taong gulang, at Abdulrahem, 9 taong gulang.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Station 4 Police Superintendent Rossel Cejas, nabatid na kaya natutulog ang mag-anak sa nasabing tindahan ay dahil malaki ang kanilang pwesto at hindi nila ito maiwanan.
Ayon kay Quezon City Bureau of Fire Protection Chief Arson Investigtor Rosendo Cabillan, sumiklab ang sunog mula sa harapang bahagi ng Ride N Shop at dahil sa lakas ng hangin ay mabilis na kumalat ang apoy.
Alas-12:24 ng madaling araw nang magsimula ang sunog at agad itong itinaas sa ikatlong alarma dahil sa laki ng pagliliyab. Alas-2:35 ng madaling araw nang ideklara itong fireout.
Ayon pa kay Cabillan, bagaman hindi pa batid ang sanhi ng sunog ay isa sa kanilang titingnan ang posibilidad na palyadong linya ng kuryente ang dahilan nito.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga otoridad upang malaman kung magkano ang kabuuang pinsala na dulot nito.