Pinagana na ng Department of Education (DepEd) ang kanilang Disaster Risk Reduction and Management Service para makipag ugnayan sa ibat ibang ahensiya ng gobyerno kaugnay sa epekto ng bagyong Ompong sa sector ng edukasyon.
Sa paunang datos, aabot sa 76 school division ang maapektuhan, nakapaloob dito ang 19,704 eskuwelahan at higit 7.7 milyon mag-aaral.
Nabatid na 11 rehiyon din ang apektado mula Region 1 hanggang Region 6, gayundin ang Regions 8, 10 Cordillera, Caraga at Metro Manila.
Sinabi ni Education Sec. Leonor Briones kailangan na ang matiyak na handa at ligtas ang mga guro at mag aaral.
Pagdidiin nito na napakahalaga rin na magtutuloy-tuloy ang pagtuturo at pag-aaral makalipas ang kalamidad.
Dagdag pa nito, nagpalabas din sila ng field officers para matiyak na kasado na ang lahat ng paghahanda at umaasa sila na maliit lang ang idudulot na pinsala ng bagyo sa kanilang mga imprastraktura at kagamitan.