Kung kanina ay matigas ang pahayag ni Sen. Antonio Trillanes IV na susubukan niyang lumabas sa gusali ng Senado makalipas ang ilang oras ay naiba na ang kanyang desisyon at mananatili na lang daw siya sa kanyang opisina.
Tulad ng inaasahan ay muling nagpatawag ng media briefing si Trillanes ngayong hapon at sinabing nakakuha siya ng impormasyon na tuloy ang balak na pag-aresto sa kanya ng mga tauhan ng militar.
Muli rin niyang sinabi na mahirap panghawakan ang pahayag ng liderato ng Armed Forces of the Philippines na hindi siya ipaaaresto ng mga ito.
Nilinaw rin ng mambabatas na naka-off raw ang airconditioning unit sa gusali ng Senado tuwing gabi kaya hindi siya kumokonsumo ng kuryente.
Inihayag rin ni Trillanes ang nangyaring pagsunod ng ilang intelligence agents ng militar sa kanyang mga tauhan na nagpakarga lamang ng petrolyo sa gasolinahan kagabi.
Nakunan umano ng kanyang mga tauhan ng larawan ang mga sasakyan at mukha ng mga sakay nito palantandaan na mas magiging ligtas siya kung mananatili sa gusali ng Senado.
Bago ang kanyang pagharap sa media ay nagbilin na ang ilan sa kanyang mga tauhan sa mga reporter sa Senado na iwasan ang pagtatanong kaugnay sa naging papel ng kanyang mga magulang sa ilang mga kontrata sa Philippine Navy noong araw.