Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang command conference sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay sa paghahanda sa pananalasa ng bagyong Ompong sa malaking bahagi ng Luzon.
Sinabi ng pangulo na bukas ang komunikasyon partikular na sa mga lead agencies para sa mabilis na ayuda sa mga maaapektuhan ng kalamidad.
Ipinaliwanag ni Finance Sec. Carlos Dominguez na inatasan na niya ang Bureau of Customs na ilabas sa mga bodega ang lahat ng mga nakumpiskang smuggled rice para sa mga apektado ng bagyo.
Iniulat naman ng Department of Agriculture na aabot sa P3.6 Billion hanggang sa P7.9 Billion ang inaasahang pinsala sa mga pananim.
Partikular dito ang palay dahil malapit na sanang anihin ang mga ito.
Sinabi naman ni Transportation Sec. Art Tugade na nakahanda na ang cash na gagamitin ng mga ahensiyang nasa ilalim ng kagawaran.
Kailangan umano ang cash dahil weekend tatama sa kalupaan ang bagyo kung kailan sarado ang maraming mga bangko.
Iniulat naman ng Armed Forces of the Philippines na nagtayo na sila ng malaking command center sa Clark sa Pampanga.
Naka-preposition na rin sa lugar ang mga rescue personnel at mga rescue equipments na kanilang gagamitin.
Nauna na ring inilagay sa full-alert status ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) sa Luzon.
Present sa pulong sa NDRRMC ang halos ay lahat ng miyembro ng gabinete ng pangulo.
Inatasan rin niya ang ilan sa kanyang mga kalihim na personal na pumunta sa ilang mga lalawigan ng Luzon para pangasiwaan ang pagtulong sa mga apektado ng malakas na bagyo.