Maglalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang executive order na naglalayong maibsan ang epekto ng inflation sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa ginanap na cabinet meeting sa Malacañang kagabi ay sinabi ni Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia na nakapaloob sa nasabing EO ang siyam na panukala na kaagad na ipatutupad ng pamahalaan.
Ang nasabing mga panukala ay inaprubahan ng Economic Development Cluster (EDC).
Kabilang dito ang mahigpit na pagbabantay sa rice imports sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA).
Makakatuwang ng ahensya ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) para hulihin ang nasa likod ng pagtatago ng suplay ng bigas sa merkado.
Ang Department of Agriculture ay tututok naman sa pagbabantay ng sapat na suplay ng mga isda at gulay sa mga pamilihan.
Ang Department of Trade and Industry ay inatasan na bantayan ang suplay ng manok sa mga palengke makaraang lumabas ang mga sumbong ng pagtaas ng presyo nito sa mga nakalipas na araw.
Ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ay inutusan na rin ng pangulo na tiyakin na hindi maitatago ng ilang mga negosyante ang suplay ng asukal at panatilihin sa tama ang presyo nito.
Inatasan rin ng pangulo ang Bureau of Customs na i-prioritize ang pag-proseso sa mga dokumento ng mga “essential food items” para mailabas kaagad ang mga ito mula sa mga pantalan.