May nakahanda nang sapat na suplay na bigas ang National Food Authority o NFA, para sa anumang emergency o relief operations ng gobyerno kaugnay sa pangambang pananalasa ng Bagyong Ompong sa bansa.
Sa isang statement, sinabi ni NFA administrator Jason Aquino na hindi bababa sa 750,000 na sako ng bigas ang nasa iba’t ibang warehouses sa Luzon, kabilang na sa National Capital Region o NCR, na laan para sa mga maaapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay Aquino, may direktiba na rin siya sa field offices sa Regions 1, 2, 3 at 5 o mga rehiyong maaaring tamaan ng bagyo, na protektahan ang mga rice stocks, i-activate ang kani-kanilang operation centers at maging handa para sa relief operations.
Matatandaan na aabot sa limang libong sako ng bigas mula sa mga warehouse sa Subic, NCR at Region 4 ang nabasa, dahil sa serye ng mga bagyo noong mga nakalipas na buwan.
Sa ngayon, sinabi ni Aquino na patuloy ang inaabisuhan na ang NFA offices na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, DSWD, at iba pang kaukulang ahensya para sa quick response kung may pangangailangan ng bigas para sa mga biktima ng bagyo.