Special Satellite Registration sa mga lugar na sasakupin ng Bangsamoro Autonomous Region, nagsimula na

Bilang paghahanda sa idaraos na plebisito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law sa January 21, 2019, nagtakda ang Commission on Elections (COMELEC) ng tatlong araw para sa pagdaraos ng special satellite registrations.

Ang special satellite registrations ay nagsimula na ngayong araw, September 11 at ito ay tatagal hanggang September 13, 2018.

Kaugnay nito, siyam na Special Registration Teams (SRT) mula sa Comelec Main Office sa Maynila ang ipadadala sa sa labing anim na mga lugar sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Norte at North Cotabato, gayundin sa Cotabato City sa Maguindanao at Isabela City sa Basilan.

Ang mga kwalipikadong aplikante sa mga nabanggit na lugar ay maaring maghain ng kanilang aplikasyon para sa pagpapatala sa mga ipinakalat na SRT sa mga satellite registration venue.

Samantala, hindi naman kasama sa special satellite registration ang Marawi City bunsod ng idaraos doong Barangay at SK Elections sa September 22, 2018.

Ang Bangsamoro Organic Law o Republic Act 11054 na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Duterte noong July 26, 2018 ay kinakailangan pang dumaan sa plebisito kung saan pagbobotohan ng mga rehistradong botante sa mga lugar na balak saklawin ng Bangsamoro Autonomous Region kung nararapat ba itong ratipikahan o pahintulutan.

Sa ilalim ng batas, dapat maisagawa ang plebisito sa pagitan ng 90 hanggang 150 araw magmula nang ito mapirmahan bilang ganap na batas.

Isinusulong ng batas ang pagbuo ng autonomous political entity na Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Read more...