Sinabi ng Pamunuan ng Davao City Police Office na napansin nila ang pag-alis sa lungsod ng mga suspected drug pushers makaraang magbigay ng 48-hour na ultimatum laban sa kanila si Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Police S/Insp. Milgrace Diaz, base sa intelligence report lumabas na ng lungsod ang mga dati nilang minomonitor na nasa likod ng mga drug syndicates sa lungsod.
Kamakalawa ay napatay ng mga tauhan ng Davao City PNP ang suspected drug dealer na si Armanuel Atienza makaraan umano itong makipag-barilan sa mga pulis na aaresto sa kanya.
Nahuli naman ang isang nagngangalang Ariel Enriquez kung saan ay narekober sa kanya ang halos ay P700,000 na halaga ng illegal drugs.
Magugunitang kamakalawa ay nagbigay ng 48-hour si Duterte laban sa mga drug pushers na umalis na ng Davao City dahil kung hindi sila ay papatayin.
Mula 1998 hanggang 2008 umaabot na sa 1,000 katao na umano’y sangkot sa iba’t ibang mga krimen ang umano’y pinatay ng Davao death Squad na iniuugnay naman kay Duterte.