Pinayuhan ng Comelec ang kanilang mga tauhan na mas habaan pa ang pasensya dahil inaasahan na mas magiging tensyonado ang sitwasyon ngayon sa huling araw ng registration at pagkuha ng biometrics sa mga botante.
Sinabi ni Comelec Chiarman Andres Bautista na inaasahan nila na mas magiging marami ang mga tao na hahabol sa mga Comelec centers ngayong araw.
Ipinaliwanag din ng pinuno ng Comelec na napansin nila na itong nakalipas na dalawang linggo ay mar marami ang mga dumadagsa sa mga tanggapan ng komisyon ganun din sa ilang mga malls kung saan nagaganap ang registration.
Sa pangkaraniwang araw anya ay nasa 15-minutes lamang ang kabuuang registration mula sa pag-fill up ng forms, verification at pagkuha ng biometrics.
Dahil sa biglaan pagbuhos ng mga tao ay naging mabagal ito dahil isinasa-ayos din ng kanilang mga tauhan pati ang pila ng mga nagpapa-rehistro.
Nanindigan din ang Comelec na wala na silang ibibigay na palugit para sa registration dahil labing-pitong buwan na nila itong ginagawa.
Pinayuhan din ni Bautista ang publiko na mag-download na ng form online, sulatan na nila ng mga kailangang detalye bago pa man pumunta sa mga Comelec centers para makatipid na ng oras sa pila.
Mula pa noong nakalipas na linggo ay bukas na hanggang 9pm ang mga Comelec centers para higit na mapaglingkuran ang mga naghahabol sa mga huling araw ng registration.