Mga mangingisda, natuwa sa desisyon ng UN tungkol sa WPS

fisherman-660x371
Inquirer file photo

Masaya ang mga mangingisda mula sa Pangasinan sa pasya ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na mayroon itong hurisdiksyon hinggil sa usapin ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Sila ang mga naghain ng reklamo sa United Nations para pahintuin ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Para kay Jowe Legaspi,council member sa Barangay Cato sa bayan ng Infanta at may-ari rin ng bangkang pangisda, nagbigay ang nasabing desisyon ng pag-asa sa kanila na muli silang makakapangisda sa Panatag Shoal.

Isa si Legaspi sa 16 na mangingisda ng Infanta na humiling sa United Nations na pagsabihan ang China na igalang ang kanilang karapatan sa kanilang mga fishing grounds at sa Panatag Shoal sa West Philippine Sea.

Aniya, malaki ang naging epekto nito sa kanilang kabuhayan ang pagbabawal sa kanila ng China na makalapit sa Panatag Shoal na nagsisilbi ring pansamantalang tuluyan nila tuwing may bagyo.

Dahil din sa nasabing pasya ng UN, ang mga mangingisda sa Zambales tulad ni Mario Forones ay pinagiisipan na ang pagbabalik sa shoal kung saan sila madalas mangisda noon.

Ilan sa kanila ay madali nang inaayos ang kanilang mga bangka para ihanda sa muling pagpapalaot sa naturang lugar.

Hiling din ni Legaspi na sana ay magkaroon na ng pinal na desisyon tungkol sa pag-aagawan ng teritoryo ng Pilipinas at China, at sana ay pumabor ito sa ating bansa.

Masyadong na aniyang maraming isinakripisyo ang mga mangingisda ng dahil dito, tulad na lamang ng kita nila na umaabot ng P1 milyon dati at pinaghahatian ng may-ari ng bangka, kapitan at mga tauhan.

Read more...