Nananawagan ang isang grupo na umano’y kumakatawan sa mga Lumad at mga tribo sa Mindanao ang nanawagan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at New People’s Army (NPA) na tigilan na ang pagdadawit sa kanila sa gulo.
Isa si Jimi Mansayagan, na datu ng tribong Aromanon Manobo, sa mga kasapi ng Lumad Mindanao na sinasabing kumakatawan sa 33 tribo.
Ayon kay Mansayagan, hanggang ngayon ay namamayagpag sa kanila ang sistemang “divide and rule”, kaya umapela siya sa AFP at NPA na tantanan na silang mga Lumad.
Sa tuwing may bakbakan na lang aniya na namamagitan sa magkabilang pwersa, kailangan nilang lumikas upang hindi na tuluyang madamay.
Ngunit naiipit din sila dahil kapag tumanggi silang lumikas, pinaghihinalaan silang kasapi ng NPA, at kung lumikas naman sila at nais nang bumalik sa kanilang sariling mga tahanan, pinaghihinalaan silang mga impormante ng militar.
Nagkakaturuan na kasi ngayon ng mga akusasyon ang AFP at NPA sa pagpatay sa mga Lumad, kaya hiling nina Mansayagan, ay ihinto na ang patayan dahil sa silang mga Lumad ang naiipit sa tuwing nagkakaroon ng gulo.
Kamakailan lamang ay may ibang grupo ng mga Lumad ang dumating sa Maynila upang manawagan na wakasan na ang karahasan at ang sinasabing militarisasyon sa kanilang rehiyon.
Sa kabila ng pagiging isa ring Lumad, hindi naman sangayon si Mansayagan sa kilusang iyon at sinabing hindi naman nila kultura ang pumunta sa Maynila, at hindi rin ganoon ang pananaw niya sa pagpapaalis sa mga militar.
Para sa kaniya, ang kanilang mga lupain ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas kaya may karapatan ang gobyerno na magtalaga ng mga militar doon.
Pareho naman aniyang may nilalabag na karapatang pantao ang AFP at NPA, ngunit may pagbabago naman na aniya sa militar kung ikukumpara noong martial law.