35 kilo ng marijuana nasabat sa Quezon City

QCPD Station 7

Kabilang ang isang menor de edad sa natimbog ng mga otoridad matapos magkasa ng drug buy bust operation sa isang apartment sa Barangay Immaculate Conception, Cubao, Quezon City.

Nakilala ang mga naarestong drug suspek na sina Grenie Hierro, 34 na taong gulang; Anthony John Timpug, 39 na taong gulang; Lassery Ann Rayo, 30 taong gulang; Randbel Clifford Venzon, 20 taong gulang; at isang 16 na taong gulang na binata.

Nasabat mula sa mga ito ang 27 piraso ng malalaking rolyo ng dahon ng marijuana, 7 piraso ng bricks ng dahon ng marijuana, isang digital weighing scale, dalawang plastic bag na naglalaman ng dahon ng marijuana, at mga drug paraphernalia.

May kabuuang 35 kilo ang bigat ng mga narekober na marijuana, na mayroong street value na tinatayang aabot sa P4.5 milyon.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar, nalaman ng mga otoridad tungkol sa operasyon ng mga suspek matapos makatanggap ng report ang Quezon City Police District (QCPD) Station 7 mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng kanilang hotline.

Aniya pa, posibleng marijuana lamang ang itinutulak ng mga suspek.

Samantala, aminado naman ang pangunahing suspek sa pagtutulak ng marijuana, ngunit iginiit nito na hindi sa kanya ang mga marijuana at ipinabebenta lamang ang mga ito sa kanya.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Maging ang menor de edad na naaresto ay posibleng kasuhan din dahil ito ay nasa age of discernment na.

Read more...