Pinakakalama ng Palasyo ng Malacañan ang taumbayan sa gitna ng nararanasang inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ramdam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ng taumbayan.
Ito aniya ang dahilan kung kaya nagkukumahog na ang pangulo na solusyunan ang problema.
Ayon kay Roque, may ginagawa nang hakbang ang pangulo para sa mabilis na panahon ay maibsan ang paghihirap ng taumbayan.
“Well, ang Presidente po ay hinalal ng mga taong maliliit at mahihirap. Huwag po kayong mag-alala, ramdam po ng Presidente ang nararamdaman ninyo, at mayroon ng mga hakbang na ginagawa ang Presidente. Siguro po sa lalong mabilis na panahon ay mararamdaman naman iyan,” paliwanag ni Roque.
Inihalimbawa pa ni Roque ang pag-aangkat ng bigas, pag-angkat ng langis mula sa Russia, pag-angkat ng imported na agricultural products, at pagbibigay ng dagdag sweldo sa mga regional workers.
Mahigpit na rin aniyang pinaiiral ng gobyerno ang suggested retail price (SRP) sa mga pangunahing bilihin para masiguro na hindi masasamantala ng mga tiwaling negosyante ang inflation.