P45M mula sa ICF, pinababalik ng COA kay ex-Makati mayor Junjun Binay

Inutusan ng Commission on Audit (COA) si dating Makati City Mayor Junjun Binay na ibalik sa gobyerno ang P45 milyon mula sa intelligence and confidential fund (ICF) na lampas sa itinakdang halaga o dahil wala itong approval ng presidente.

Alinsunod sa authorization ni COA Chairperson Michael Aguinaldo, naglabas si Intelligence/Confidential Fund Audit Office Director Mario Lipana ng dalawang notices of disallowance na parehong may petsang September 5, 2018.

Nakasaad sa Notice of Disallowance No. 2018-003 na inilabas ang P25 million ng dalawang tranches noong August at October 2013 nang walang approval ng noo’y Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon sa COA, inaprubahan lang ni Aquino ang pondo para sa first half ng 2013 pero hindi sa second half ng taon.

Ang kabiguan ng Makati City na magsumite ng presidential approval para sa second semester ay paglabag sa Section 2(V) ng COA Circulars Numbers 85-245 ay 2003-003.

Dagdag ng ahensya, kahit may approval ng presidente para sa second semester, lalampas pa rin ang lokal na pamahalaan sa allowable ICF cap na P25.41 milyon para sa 2013 dahil nailabas na ang P25 milyon sa first semester.

Bukod kay Binay, pinapanagot din si dating city budget officer Lorenza Amores na siyang nag-certify ng basehan sa ICF computations na ayon sa COA ay mali.

Read more...