Itinanggi ng PAGASA ang kumakalat na text message kaugnay ng taglay na lakas ng posibleng super typhoon Mangkhut na tatawaging Bagyong Ompong pagpasok sa bansa sa Miyerkules.
Ayon sa PAGASA, hoax o hindi totoo ang text message na tataglayin ng Typhoon Mangkhut ang hangin na 240 kilometers per hour at bugsong 306 kilometers per hour.
Paliwanag ng ahensya, hindi pa nila alam kung gaano ang magiging lakas ng bagyo.
Kapag nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), pwede pang lumakas ang Bagyong Ompong habang nasa karagatan pero kailangan nitong magkaroon ng maximum sustained winds ng mahigit 220 kilometers per hour para maging super typhoon.
Sa Huwebes, inaasahan ang maulang panahon sa buong Luzon habang ang western sections ng Visayas at Mindanao ay maaapektuhan ng pinalakas na Habagat.