Petisyon ng isa sa mga akusado sa P6.4 billion shabu shipment, ibinasura ng Court of Appeals

Inquirer File Photo

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyong inihain ng negosyanteng Chinese na si Chen Julong alyas Richard Tan, na humihiling na mabasura ang reklamo laban sa kanya kaugnay ng P6.4 billion shabu shipment na naipuslit mula sa Bureau of Customs (BOC) noong nakalipas na taon.

Sa 17-pahinang desisyon na may petsang August 31 na isinulat ni Associate Justice Ramon Garcia, pinagtibay ng CA 11th Division ang kautusan ng Manila Regional Trial Court noong February 22, 2018 na nagbasura sa motion to quash na inihain ni Chen kaugnay ng reklamong drug importation na inihain laban sa kanya.

Ayon sa CA, wala silang nakitang argumento para makumbinsi na baligtarin ang kautusan ng mababang hukuman.

Katunayan, tinukoy ng CA na kung tutuusin, dapat ay nabasura agad ang petisyon ni Chen dahil sa teknikalidad makaraan siyang mabigo na maghain ng motion for reconsideration sa Manila RTC.

Hindi rin sinang-ayunan ng appellate court ang argumento ni Chen na dapat mabasura ang reklamo laban sa kanya dahil paglabag umano sa panuntunan ng non-forum shopping dahil nauna nang ibinasura ng Valenzuela RTC ang kaparehong kaso laban sa kanya.

Paliwanag ng CA, ang pagbasura ng Valenzuela RTC sa kaso ay bunsod ng kawalan ng hurisdiksyon nito.

Ang nasabing kaso ay inilipat ng DOJ sa Manila Regional Trial Court dahil shipment ay unang dumating sa Manila International Container Port bago ibiniyahe sa isang warehouse sa Valenzuela kung saan nadiskubre ang iligal na droga.

Matatandaan na tinangka ni Chen noong Nobyembre 2017 na umalis ng Pilipinas patungo ng China pero naharang siya sa Clark International Airport ng mga immigration official.

Read more...