“Hands off” ang Department of Justice sa kasong libelo na isinampa sa piskalya sa Davao City laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, bahala na ang Davao City Prosecutor’s Office na resolbahin ang asunto ni Trillanes sabay ang pagtitiyak na hindi makikiaalam ang DOJ-Manila.
Ipinaliwanag din ng kalihim na ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa ang ipinagkaloob na amnestiya sa senador ay pawang “coincidental” lamang.
Aniya, ang timing ng mga reklamong libelo na ihinain kay Trillanes sa Davao City ay walang kaugnayan sa pagbawi ng amnestiya ng senador. Iyon umano ay sanhi ng mga mapanirang pahayag nito laban kay resigned Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Manases carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Setyembre a-sais nang isampa ang mga reklamong libelo laban kay Trillanes nang akusahan nito ang nakababatang Duterte at si Carpio na sangkot umano sa extortion activities sa Uber at iba pang ride-sharing firms.