DTI SEC. LOPEZ AT DA SEC PIÑOL MALAMBOT SA “MIDDLEMEN” sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

Ang nararanasang pagtaas ng mga presyo ng bilihin ay resulta ng pagiging “inutil” o “katamaran” ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry, Department of Agriculture at maging “Local price coordinating councils” sa bawat lungsod at bayan.

Alam na ng lahat na mga “middlemen”, “biyaheros”, “traders” ang tumatabo ng husto sa taas presyo dahil kumpirmadong mababa ang mga “farm gate prices” pero napakataas na pagdating sa palengke o retailers. Mark-up at processing na P50 sa bawat kilo ng manok at P75 sa bawat kilo ng baboy, pero mas tinaasan pa hanggang P30 o P40.

Ito namang DTI at DA, kahit “suggested retail price” ay ayaw mag-isyu gayong dumoble na ang mga presyo ng gulay at iba pang bilihin. Ang masakit pa, wala silang “database” ng mga biyahero ng mga gulay, isda at marahil lahat ng pagkain sa mga palengke, kaya’t hindi nila maipatawag sa dayalogo.

Sa totoo lang, maliwanag pa sa sikat ng araw na meron nang “pagsasamantala”, “pang-aabuso” sa laro ng “supply and demand” sa ating mga palengke. Sa halip na gumamit ng kamay na bakal ang DTI at DA, magbebenta sila ng mga murang produkto mula sa mga “food manufacturers” deretso na sa mga consumer. Ito’y para mapilitang bumaba ng presyo ang iba pang manininda. Pero , tingin ko, kulang ang ganitong aksyon. Kailangan nating manampol ng mga masisibang “middlemen” biyahero at “hoarders”.

Bakit ba ayaw niyo silang upakan, DTI Sec. Lopez at DA Sec. Piñol ? Friends niyo ba sila?

****

Anim na gabi nang natutulog o di makatulog si Sen.Trillanes sa kanyang opisina sa Senado. Mainit pa rin ang mga balitaktakan sa Proclamation 572 ni Pres. Duterte na nag-uutos sa AFP at PNP na hulihin siya sa pamamagitan ng arrest warrant sa korte . Walang bisa umano ang amnesty sa kanya ni Pres. Noynoy Aquino noong 2011.

Nagsagutan sina Trillanes kasama sina Drilon, Kiko Pangilinan,pati oposisyon katapat sina Presidential spokesman Harry Roque at
Legal counsel Salvador Panelo. Napanood din natin ang mga ebidensya at mga “video” ni Trillanes noong 2011 na nakunan ang kanyang “application” at meron pang interview ng pag-amin sa kanyang kudeta at rebellion. Sumawsaw din si VP Leni Robredo maging ang Integrated bar of the Philippines (IBP) na nagsasabing “palpak” at illegal daw ang Proclamation 572.

Kung susuriin, dalawang isyu ang pinagtatalunan dito.

Una, sapat bang basehan ng amnestiya ang “general admission” ni Trillanes na nakasaad sa kanyang “pinirmahang application form”?

Bakit sinasabi ng Malakanyang na “sworn affidavits” ng kanyang detalyadong pagsisisi sa mga nakaraang krimen ang kailangan sa amnesty?
“General admission o detalyadong sworn affidavit?”

Ikalawa, may isinumite bang “application” si Trillanes? May “recommending approval” si Defense Sec. Voltaire Gazmin, pero kasama ba ang ibinigay na “application” ni Trillanes? Bakit hanggang ngayon, di makita ang kopya ng kanyang “application form”? Winala ng DND ngayon o baka wala naman talaga?

Anut anuman, isa lang ang nakikita natin. Tanging Korte Suprema na naman ang magpapasya rito. At kung susundin ang dalawang petisyon ng Department of justice sa dalawang Makati RTC at ang binuong court martial ng AFP, kulong muna si Sen. Trillanes habang dinidinig ang kanyang mga kaso.

Read more...