Timbog ang isang lalaking negosyante matapos mahulihan ng ilang malaking pakete ng shabu sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Darayday, Laoag City, Ilocos Norte.
Nakilala ang suspek na si Alberto Patoc, 38 taong gulang.
Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents ang bahay ni Patoc sa pamamagitan ng isang search warrant.
Narekober mula sa suspek ang walong pakete na naglalaman ng 17 gramo ng hinihinalang shabu na mayroong street value na aabot sa P175,000.
Nakuha rin mula sa kanya ang ilang mga bala ng baril.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, lumabas ang pangalan ni Patoc matapos maaresto ang kanyang mga tauhan nitong nakalipas na linggo.
Nabatid na nanggaling sa Metro Manila ang mga ipinagbabawal na gamot.
Dahil dito ay mahaharap si Patoc sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.