Pumalo na sa mahigit 230,000 ang bilang ng mga nasita sa pagpapatupad ng pulisya ng Anti-Tambay campaign sa Kalakhang Maynila.
Batay sa accomplishment report ng National Capital Region Police Office o NCRPO, 231,516 na ang kabuuang bilang ng mga lumabag sa iba’t ibang local ordinances mula June 13, 2018 hanggang alas-singko ng umaga ng September 9, 2018.
Pinakamarami ay ang mga lumabag sa smoking ban na nasa 80,677 at pumangalawa naman sa listahan ang mga tambay na half-naked o walang damit na pang-itaas na umabot sa 20,018.
Nasa 19,259 naman ang mga lumabag sa curfew hours samantalang may kabuuang 13,469 ang mga sinita dahil sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar.
Ayon sa NCRPO, ang iba pang lumabag sa city ordinances na hindi nabanggit ay nasa 98,093.
Kung per district naman, pinakamaraming nahuli ang Quezon City Police sa listahan, pangalawa ang Eastern Police; pangatlo ang Southern Police; pang-apat ang Manila Police at pang-lima ang Northern Police.
Sinabi ng NCRPO na karamihan sa violators ay pinagmulta lamang o kaya nama’y binalaan.
Mayroon ding nakasuhan, habang aabot lamang sa dalawampu’t anim (26) ang nananatili sa kustodiya ng mga pulis.
Matatandaang umani ng batikos ang pagpapatupad ng Anti-Tambay campaign ng pulisya noong unang bahagi ng pagpapatupad nito, dahil umano sa mga insidente sa paglabag sa karapatang-pantao at may kaso rin kung saan may naarestong namatay.