Sa 4am weather advisory ng weather bureau, huling namataan ang sentro ng sama ng panahon sa layong 75 kilometro Timog-Silangan ng Basco, Batanes.
Ngayong araw, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat Batanes, Cagayan, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Zambales at Bataan.
Dahil naman sa Habagat na pinalalakas ng LPA, nakararanas ng mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan ang Metro Manila, CALABARZON at MIMAROPA.
Sa Bicol Region naman, unti-unti nang gaganda ang panahon kung saan mararanasan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na paminsan-minsan ay may pag-uulan.
Sa Visayas at Mindanao naman ay walang weather system na nakakaapekto at inaasahan ang mainit na panahon liban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.