Nilagdaan ng Pilipinas at ng mga Jordanian businesses ang business deals na nagkakahalaga ng $60.675 milyon sa kasagsagan ng makasaysayang state visit ni Pangulong Duterte sa Hashemite Kingdom.
Isang business forum ang pinangunahan ng presidente kasama ang mga negosyanteng Jordanian kung saan personal niyang sinaksihan ang paglagda sa dalawang memoranda of understanding at pitong letters of intent.
Inaasahang magbibigay ng 434 na trabaho ang mga kasunduan sa iba’t ibang larangan tulad ng information and technology (ICT), software and mobile development, manufacturing, digital cross-border remittances at genomic testing sa mga ospital at clinics.
Samantala, sa kanyang talumpati, nangako ang presidente sa Jordanian investors na padadaliin ang pagnenegosyo sa bansa.
Upang tiyakin ang ‘business with ease’ ay sinabi ng pangulo na bubuo siya ng isang kagawaran na magpoproseso ng mga dokumento ng gustong mamuhunan sa bansa.
Bibigyan din anya ng pamahalaan ng isang ‘shopping list’ ang investors ng kailangang mga papeles para lalo pang mapadali ang proseso.
Nangako rin si Duterte na kikita at babalik ang puhunan ng investors at walang magiging korapsyon sa gobyerno.
“There is one thing I would like to guarantee you. Maybe you have heard some other time about the Philippines being corrupt. Yes, most of them in the past. But I tell you now. I give you this solemn commitment that if you are there, it will be business with ease,” ani Duterte.