DOTr-LTFRB, dismayado sa pagbabalik-kalsada ng Angkas

Ikinalungkot ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)
ang desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na pumapabor sa ride-hailing service na Angkas.

Sa isang statement, sinabi ng DOTr-LTFRB na dahil sa naturang pasya ng korte ay mahahadalangan na ang gobyerno na
manghimasok, “directly or indirectly” sa operasyon ng Angkas.

Bilang regulator, iginiit ni DOTr-LTFRB na tapat sila sa kanilang mandato nang ipag-utos ang suspensyon ng operasyon
ng Angkas.

Para sa kanila, ang mga motorsiklo ng Angkas ay hindi otorisadong bumiyahe at mag-alok ng serbisyo sa publiko sa
ilalim ng Republic Act 4136.

Upang mapayagan ang Angkas, mangangailangan daw ng pag-amyenda ng Kongreso sa batas.

Dagdag ng DOTr-LTFRB, maliban sa umano’y “unfair business practice,” nasa panganib ang buhay ng mga pasahero ng
Angkas dahil ang mga motorsiklo ay hindi ikinukunsidera bilang ligtas na public transport.

Babala ng ahensya, kung patuloy na tatanggap ang Angkas ng akreditasyon ng mga motorsiklo, na nakarehistro bilang
pribadong sasakyan pero tatanggap ng bookings nang may bayad, ito ay maituturing na mga colorum.

Tiniyak naman ng DOTr-LTFRB na hahanap sila ng mga legal na paraan upang mapigil ang mga sasakyang kolorum,
kabilang na ang Angkas motorcycles.

Sa bandang huli, sinabi nila na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ay ang mga kaligtasan ang publiko at pagsunod
sa pagbatas, at malinaw na ang interes lamang ng Angkas ay ang kumita.

Read more...