Giit ni Trillanes, nagkaroon ng pagmamalabis sa panig ng pangulo ng kanyang ilabas ang kinukwestiyong proklamasyon at iutos ang pag-aresto sa kanya sa kabila ng kawalan ng arrest warrant.
Aniya, unconstitutional ang Proclamation No. 572 dahil nilalabag nito ang “shared power” ng presidente at ng Kongreso.
Malinaw din umano na political harassment ang pakay ng proklamasyon, at nalabag din umano ang karapatan ni Trillanes sa due process at equal protection na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Nang dahil din umano sa proklamasyon, nalabag ang karapatan ng senador laban sa double jeopardy.
Iginiit pa ng kampo ng senador na nakapagsumite siya ng aplikasyon at nabigyan ng amnestiya at patunay dito ang Certificate of Amnesty na inisyu sa petitioner noong January 21, 2011 ni Dating DND Secretary Voltaire Gazmin at, lumagda rin siya sa pledge of allegiance na nagdedeklarang sinusuportahan at ipagtatanggol niya ang Konstitusyon.
Kaugnay naman sa hindi raw niya pag-amin ng “guilt” o pagkakasala sa mga krimen na may kinalaman sa Oakwood Mutiny at Peninsula Manila Hotel Seige, imposible umano na siya ay nag-aplay sa amnestiya nang hindi ito naisasakatuparan dahil nakasaad sa application form ang pag-amin niya sa paglabag sa Konstitusyon at sa Articles of War at binabawi ang mga naunang pahayag na taliwas sa pag-amin niya ng partisipasyon at pagkakasala.