Umakyat na sa P33 milyon ang multang pinababayaran ng pamahalan sa Xiamen Airlines kasunod ng nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na sumadasad ang isa sa mga eroplano nito sa runway ng paliparan.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal naging P33 milyon na ito ngayon mula sa dating P15 milyon.
Ayon kay Monreal, maaari pa itong madagdagan depende sa pag-usad ng kanilang imbestigasyon sa mga nalikom na datos at factual expenses.
Hindi pa aniya kasama rito ang “consequential” at iba pang damages.
Iginiit naman ni 1-CARE Party-list Representative Carlos Ramon Uybarreta na dapat lang madagdagan ang multang ipapataw sa Xiamen dahil sa ilang araw na pagkaantala at kanselasyon ng maraming flights na bukod sa abala sa mga pasahero ay nagdulot din ng pagkalugi sa pamahalaan.