Naniniwala ang Palasyo ng Malacan na maaaring arestuhin ng mga otoridad si Senador Antonio Trillanes IV kahit nasa loob ng bisinidad ng Senado sa Pasay City.
Ito ay kung may makukuha nang alias warrant of arrest ang mga otoridad.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ilalim ng alias warrant of arrest, tanging ang pangulo lamang ng bansa ang mayroong immunity.
Sinabi pa ni Roque na kahit senador si Trillanes, maaari pa rin itong arestuhin dahil malinaw na nakasaad sa batas na tanging ang mga mambabatas na nahaharap sa kaso ay may kaparusahang anim na taon at isang araw lamang ang sakop ng immunity.
Sa kaso aniya ni Trillanes na nahaharap sa kasong kudeta, hindi na ito sakop sa immunity dahil habang buhay na pagkabilanggo ang nakaatang na parusa sa naturang krimen.
“Ang pagkakaintindi ko po, meron na pong alias warrant of arrest na-isyu ang ating hukuman. Ibig sabihin po niyan, wala pong taong kahit sino man ang magsasabi na hindi sila pupuwedeng arestuhin ‘no. Ang tanging meron lang pong immunity ay ang Presidente at ang immunity ng isang senador ay para sa mga kaso na nag parusa ay 6 years and one day lamang – ibig sabihin iyong kasong libel. Pero dahil ang kudeta po ay may parusang panghabang-buhay na pagkakakulong, eh kinakailagan po sumurender. At wala pong immunity ang mga senador para sa isang capital offense ng kudeta,” paliwanag ni Roque.