P6.8M shabu narekober sa mag-asawa sa Taguig City

Arestado ang isang mag-asawa sa isang buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Taguig City, Miyerkules ng hapon.

Kinilala na ang mga suspek na sina Lino Asali Sarajan at Nursiba Patta Sarajan, na mga taga-Jolo, Sulu.

Ayon kay Investigation Agent V Christy Silvan, ang Deputy Director ng PDEA Special Enforcement Service, isinagawa ng kanilang grupo ang kanilang operasyon sa Champaca Street, sa may Pateros District Hospital, Western Bicutan sa Taguig alas-2:35 ng hapon.

Nang maaresto ang mag-asawa ay kasama pa ng mga ito ang kanilang 4 na taong gulang na anak na babae.

Sinabi ni Silvan na tumawag sila ng isang barangay social worker para bantayan muna ang bata, hanggang sa na-iturn over sa mga kaanak ngayong araw din.

Nasabat sa mag-asawa ang isang kilong shabu na may market value na P6.8 million, at mga buy-bust money.

Ayon kay Silva, may mga sumbong ang isang confidential informant kaya nagsagawa ang PDEA ng surveillance sa loob ng dalawang linggo.

Sinabi ng PDEA na walang trabaho ang mag-asawa, kaya piniling magtulak na lamang ng ilegal na droga. Konektado rin daw ang mag-asawa sa iba pang drug group.

Karamihan daw sa kanilang parokyano ay sa Maharlika Village sa Taguig, habang galing pang Zamboanga ang mga suplay ng shabu.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165.

Read more...