Nagkasundo ang economic team ng administrasyong Duterte na magpatupad ng ‘immediate reforms’ upang matugunan ang food inflation na dahilan ng paglobo ng consumer price index (CPI) sa pinakamataas na antas sa loob ng halos isang dekada.
Matatandaang sa anunsyo ng gobyerno ay pumalo sa 6.4 percent ang inflation sa buwan ng Agosto na pinakamataas sa loob ng siyam na taon matapos ang 6.6 percent noong March 2009.
Dahil dito, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nagpulong ang mga miyembro ng economic team kahapon.
Dinaluhan ito ng mga opisyal mula sa Department of Agriculture (DA), Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Bureau of Treasury (BTr) at Department of Justice (DOJ).
Tututukan ang food inflation matapos lumago sa 4 percent ang food and non-alcoholic beverages index nitong Agosto habang sumipa 21.9 percent ang alcoholic beverages and tobacco index.
Ilan sa mga repormang ipatutupad ay ang:
- paglabas sa 4.6 milyong sako ng bigas sa mga warehouse bukod sa 2 milyong sako na inangkat sa katapusan ng Setyembre;
- pagrekomenda sa pangulo na maglabas ng direktiba na magpapasimple sa licensing procedures sa pag-angkat ng bigas
- pagbuo sa monitoring at surveillance team ng DTI, NFA, PNP, NBI at grupo ng mga magsasaka
- at pagbubukas ng importasyon ng asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) para sa direct users