Ininspeksyon ng Commission on Elections o Comelec sa National Printing Office o NPO ang mga balota na gagamitin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Polls sa Marawi City, Lanao del Sur.
Gaganapin ang halalan sa lungsod sa September 22, 2018.
Matatandaan na ipinagpaliban ang eleksyon sa Marawi City, dahil nagpapatuloy ang rehabilitasyon doon makaraan ang giyera sa pagitan ng gobyerno at Abu Sayyaf Group.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, kabuuang 76,384 na balota ang kailangang maiprenta, kabilang na rito ang 50,893 para sa Barangay elections at 25,491 para sa botohan sa SK.
Para naman sa election returns, kabuuang 354 sets ang dapat maiprenta, kung saan 177 sets ay para sa barangay at 177 sets para sa SK.
Sinabi naman ni NPO Vice Chairman Vicky Dulcero na matatapos din ngayong araw ang pag-iimprenta sa mga balota at maipapadala na rin sa Marawi City sa lalong madaling panahon.
Ipininaliwanag pa ng opisyal na tiniyak na ng militar at pulisya ang mahigpit na pagbabantay sa mga balota hanggang sa mismong araw ng eleksyon.
Nauna nang ipinatupad ang election gun ban sa Marawi City simula August 17 at magtatapos sa September 29, 2018.
Ang campaign period naman ay mag-uumpisa sa September 12 hanggang 20, 2018.