Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko ukol sa ilang indibidwal o grupo na gumagamit ng pangalan ni DILG officer-in-charge Eduardo Año sa kanilang business transactions.
Sa abiso ng kagawaran, isang Jesselyn Gavierez mula sa Safecon Industries ang umano’y nag-aalok ng business deals sa mga contractor at housing developer gamit ang pangalan ni Año.
Nag-alok anila ang suspek na maglalabas ng Fire Safety Inspection Certificates (FSIC) at Occupancy Permits kapalit ng pagbili ng safety products tulad ng fire extinguishers mula sa kanilang kumpanya.
Ayon kay Año, hindi konektado si Gavierez sa kanya, sa DILG at sa anumang ahensya ng gobyerno.
Hindi rin aniya ito ineendorso o ang kumpanya nito.
Dahil dito, ipinag-utos ng kagawaran ang pagsasagawa ng agarang imbestigasyon sa naturang aktibidad ng suspek.
Hinikayat rin ni DILG Assistant Secretary at spokesperson Jonathan Malaya ang mga nabiktima ni Gavierez na i-report ang anumang insidente ng panlilinlang nito.