Mga pananim sa paanan ng Mt. Mayon, kasing yabong ng nasa Benguet

 

Mark Alvic Esplana/ Inquirer Southern Luzon

Sa kabila ng ilang dinanas na sakuna, naging mayabong at malago ang mga tanim na bulaklak ng mga Bicolano sa mga hardin sa paanan ng Mt. Mayon sa Daraga, Albay.

Tila ba lalong pinagtibay ng mga pagputok ng bulkan ang mga lupain sa paanan nito kaya’t nag-usbungan ang mga naggagandahang bulaklak na ngayon ay dinarayo na rin ng maraming tao lalo’t panahon ng Undas.

Nagmistulang mini version ng Baguio ang Matnog village dahil sa dami ng mga bulaklak na tanim dito tulad na lamang ng anthurium, aster, chrysanthemum, at Malaysian mums.

Bawat bugkos na may lima hanggang pitong stems ay nagkakahalaga lamang ng P25, mas mura kung ikukumpara sa mga binebenta sa mga tindahan.

Ayon sa isa sa mga may-ari ng mga taniman na si Gelma Poguilla, ito ang sikreto kung bakit dinarayo sila ng mga tao tuwing Undas.

Nakapaloob ang mga taniman na ito sa 6-kilometer permanent danger zone ng Bulkang Mayon.

Bukod sa sariwa at magandang mga bulaklak, maaari ring magpakuha ng litrato ang mga bumibisita na kita ang mga taniman ng mga bulaklak sa kanilang likuran.

Kung masagana ang mga pananim sa Albay, nagdusa naman iyong mga nasa Benguet dahil sa pagragasa ng bagyong Lando.

Hindi naman sila kinulang sa supply na inihahatid sa iba’t ibang lugar lalo na ngayong Undas, ngunit aminado ang mga nagtatanim na mababa na ang kalidad ng mga ito dahil nabasa na bago pa man anihin.

Tinatayang nasa P40-M ang halaga ng mga bulaklak na pinatutubo sa mga greenhouses ang nasira ng Lando, habang may 138 ektarya ng hardin naman ang sinalanta nito.

Read more...